Unli-rice please!’

Habang ako’y naglalakad patungong paaralan, nadaanan ko sa palengke ang lupon ng mga konsumador na nagsisiksikan, nagsasakripisyo sa tila NORSU enrolment na pilahan. Aba’y naalala ko lang. Hindi ko man napuna ngunit tinanong ko ang isang ginang kung ano ang nangyari. “Bagsak-presyo raw ang NFA!”
Palibhasa’y hindi nabago sa’kin o sa’ting mga Pilipino ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Kapag tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin katulad ng bigas, malaki ang pagbabago nito sa badyet ng mga mamimili. Samakatuwid, napakalaking tagumpay na ng bawat pamilyang Pilipino na maihain tatlong beses kada-araw ang kanin.
Hindi kompleto ang ating meals kung walang kanin. Napakahilig nating mga Pinoy kumain na may kasamang rice kasi nga staple food natin ito. Iba-iba man ang ating pakiwari sa hinaing konteksto, ako’y muling napukaw sa ganap ngayong problema ng bansa— ang buwelta ng krisis sa bigas o rice woe.
Kinakailangan na mag-import ng suplay sa ibang bansa upang mapanatili ang suplay na mayroon ang ating bansa. Ngunit paano naging salat ang Pilipinas kung itinuturing naming isa sa pinakamalaking importer ng bigas sa buong Asya ito?
Nakalulungkot isipin ang mga kababayan natin sa Zamboanga Peninsula. Nagutom, nagtiis, nanalupsay, nawakawak, napahamak sa aksyong bulok. Kung may masisi man siguro sa problemang ito, bentang-benta ang pamamahala ng gobyerno.
Sa kamakailang pahayag ng National Food Authority (NFA) Admin na si Jason Aquino, hinamon niya ang mga mambabatas na libutin ang bansa at siyasating maigi ang kalagayan ng produksyon ng bigas. Salungat naman sa mensahe ng admin, hinamon ni Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles na sana umakto ang kasalukuyang pamunuan sa biglang pagtaas ng presyo at kakulangan ng stock nito.
Habang naghahamunan ang dalawa sa Senado aba’y tayong mga Pilipino ang magugutom dito. Talagang mas nakatatawa pa sila kay Mocha (Uson)!
Tingin ko mas ipaiigting pa ng pamahalaan ang pang-agrikultural na aspeto kaysa sa suportang ibibigay nito sa mga basketball player ng Asian Games na hindi naman sure ball.
Sana magkaroon ng mas alternatibong solusyon ang mga magsasaka upang agarang maagapan ang pagkatakam natin sa kanin.
Kung mayroon lang sanang mas mura at accessible na fertilizers, nakabibighaning irrigation system, at kalakip na tulong para sa mga magsasaka, edi sana mabuti at mabisa ang produksyon ng bigas.
Mapupunan sana ng palayan ang bakanteng mga kalupaan.
Puro na lang sana!


By Reychemver C. Credo

TOMO XXXVI ISYU BLG. 12

AGOSTO 20-24, 2018