Teleserye ng pinagmulan

Tayong mga Pilipino ay isang malaking tagahanga ng mga soap operas at mga dramang ipinapalabas sa telebisyon. Ang mga palabas na ito ay sumasalamin sa ating mga kultura kung kaya, karamihan sa mga ito ay nakasentro sa pamilya.
Hindi rin natin maitatangi na napakaimpluwensiyal ng mga palabas na ito. Isang mabuting halimbawa nito ang pagsibol ng samu’t saring Korean drama na nagdulot ng matinding pagkawili nating mga Pilipino sa kanilang kultura.
Simula sa kanilang pananamit, pag-aayos, mga pagkain, musika, at maging ang kanilang lenggwahe ay lubhang tinutukan ng karamihan sa atin. Nang dahil sa mga simpleng palabas na ito, marami tayong natutunan sa kani-kanilang mga kultura at kaugalian.
Bilang isang indibidwal na minsan ng nahumaling sa mga palabas na ito, nagkaroon ako ng kaalaman ukol sa mayaman nilang kasaysayan. Nalaman ko ang kasaysayan ng iba’t ibang imperyo at mga maimpluwensiyang emperador na siyang nagpatatag ng kani-kanilang bansa.
Tila ba nilamon na ang mga Pilipino ng mga dayuhang kultura partikular na ang Korea. Maging ang mga television channels sa ating bansa ay nakikipagpaligsahan sa isa’t isa at nag-uunahan sa pagkuha ng mga bagong asian dramas na ipapalabas sa kani-kanilang estasyon.
Sa dinami-dami ng mga Korean drama na nakahanay upang ipalabas sa bawat estasiyon ng ating mga telebisyon, hindi maitatanging mas inaabangan at tinatangkalik ito ng mga kabataan ngayon kumpara sa mga orihinal na mga drama sa Pilipinas. Ngunit hindi ito ang puntong nais kong bigyang diin.
Marami tayong mga prominenteng direktor sa ating bansa at sa halip na mag-import ang Pilipinas ng napakaraming mga banyagang drama series, bakit hindi na lang nila ituon ang ating mga palabas sa napakayamang kasaysayan ng Pilipinas?
Sa halip na ang ligawan nina Shan Cai at Dao Ming Si na makailang-ulit ng naipalabas sa bansa simula pa noong 2003 ang tinatangkilik natin sa telebisyon, hindi ba mas mainam naman na bigyan nating pansin ang nakakaantig na pagmamahalang Jose Rizal at Leonor Rivera?
Sa halip na mag-asawang may kabit o di kaya’y ampong anak na mula sa mayamang pamilya ang palaging itinatampok sa ating telebisyon, bakit hindi ang makabagbag damdaming pagmamalupit ng mga Espanyol sa mga Pilipino at ang paggamit ng mga prayle sa relihiyong Kristiyano bilang dahilan ng kanilang pagmamalabis?
Bakit hindi natin isabuhay ang mga nobelang isinulat ng ating pambansang bayani, ang Noli Me Tangere na nailathala noong 1887 at El Filibusterismo noong 1891 na idinitalye ang sitwasiyon ng Pilipinas sa ilalim ng mga mapang-abusong Espanyol?
Gunigunihin ang isang kabataang tagasubaybay sa Noli Me Tangere at nakikipagtalakan sa kaklase ukol sa episode na ipinalabas kagabi, “Nakita mo ba yung episode kagabi? Gustong ipakasal ni Padre Damaso si Maria Clara kay Linares. Omg! Papano na si Ibarra?”
Hindi ba mas masayang isipin na ang ating mga kabataan, mahumaling man sa ibang kultura ay kahit papaano may nalalaman pa rin sa ating kasaysayan at pinagmulan? Nawa’y may planong ganito ang mga nangungunang estansyion sa ating bansa. Mga teleseryeng magbibigay aral sa lahat ng Pilipino, na hindi lamang ang importansiya ng pamilya ang sinasaklaw ng tema, kung hindi pati na rin ang ugat ng ating pinagmulan na siyang pupukaw sa ating pagka-Pilipino.


By Jenevelle Banono

TOMO XXXVI ISYU BLG. 11

AGOSTO 13-17, 2018