Mahiya naman kaayo

Heto na, sasabihin ko na ang hinaing ng mga estudyanteng araw-gabing nag-aaral para sa kanilang kinabukasan, seryosong nagsisikap at binibigay lahat ng makakaya upang hindi bumagsak.
Pero, bakit ang mismong nagpapahirap sa kanila ay ang mga gurong ang resposibilidad ay turuan ang bawat mag-aaral?
Sila dapat ang gumagabay sa mga estudyante ngunit para bang naging kaligayan na nilang makita ang mga itong nagdurusa.
Shout out nga pala sa mga gurong nagpapareport tapos natutulog lang. Pinagpagurang gawin ng mga estudyante ang mga visual aid na ipiniprisinta sa mga kaklase ngunit parang walang kuwenta lang sa kanya lahat ng ito.
‘Di man lang niya kayang bigyan ng dagdag na impormasyon habang nagsasalita ang mga ito sa harapan.
Una, akala nila benepisyo iyon sa kanila kung kaya ito ay isang napakagandang biyaya dahil hindi siya nagtatanong. Pangalawa, akala nila magiging madali ang lahat dahil nagsabi siyang hindi niya pahihirapan ang mga estudyante.
Sa araw ng pagsusulit ay nag-aral lahat ng mga estudyante sa mga report na kanilang pinagdaanan. Ngunit, sa halos lahat ng mga tanong ay hindi kasali sa lahat ng mga tinuro niya.
Hindi ba binabayaran sila upang turuan at matuto ang mga estudyante? Ngunit bakit ang mga estudyante lamang ang nag-aaral para sa kanilang mga sarili? Katarungan ba ang ganitong uring sistema?
Kung talagang gusto niyong matuto ang mga estudyante, lagyan niyo naman ng pagsisikap dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya nila.
Kailangan ng mga estudyante ng gabay, kaya nga tinatawag itong paaralan kung saan lugar ng pagkatuto pero parang ginagawa na itong lugar ng kalbaryo at mga gurong binibigay sa mga mag-aaral ang pasan pasan na responsibilidad.
Hindi ba nakakahiya na ipinagmamayabang ng ating paaralan ang samu’t saring mga karangalang dinadala ng mga mag-aaral ngunit sa likod nito, mayroon pa palang mga gurong hindi maayos ang pagtuturo?
Oo nga’t ang unibersidad ay para sa ‘poor but deserving students,’ hindi ibig sabihin na hindi na kami karapat-dapat na tuturuan.
Kaming mga mag-aaral ng mga State Colleges and Universities (SUCs) ay iskolar ng sambayanang Pilipino, sa madaling salita pa, iskolar rin kami ng mga gurong nagbabayad ng buwis. Kasali rin sila sa mga nagpapaaral sa amin kaya dapat ay mas alam nila na mas dapat nilang pagbutihin ang pagtuturo.
Hindi niyo nalang sana piniling magturo kung hindi niyo naman aayusin ang inyong paraan ng pagtuturo dahil hindi kayo ang napupurwisyo kung hindi ang mga estudyante. Gusto rin nilang matuto.
Ito iyong mga estudyante binibigyan kayo ng respeto ngunit hindi niyo man lang kayang suklian. Hindi niyo kayang panindigan ang propesyong maghuhubog sa susunod sa henerasyon.


By Ted Jasper Adrian C. Gomez

TOMO XXXVI ISYU BLG. 12

AGOSTO 20-24, 2018