Birong hindi biro

Bilang pagtugon sa impormasyon na inilabas ng Philippine National Police (PNP) na ang Davao ang may pinakamataas na record ng rape cases sa bansa sa taong 2018 (2nd Quarter) noong ika-30 ng Agosto sa mismong siyudad ng Davao, binulalas ni President Duterte ang birong kaya maraming ganitong kaso sa naturang siyudad ay dahil sa ‘mga magagandang babaeng’ makikita sa lugar.
Matatandaang hindi ito ang unang biro ukol sa panggagahasa. Sa kanya pa lamang pangangampanya ay binatikos na dahil sa sinabi niya ukol sa mga gumahasa sa isang foreign missionary noong 1989 at ang biro niya noong Mayo nakaraang taon na ang mga sundalo ay maaaring gumahasa ng tatlong babae, ayon sa inquirer.net.
Ang pangulo ay ang tinitingalang lider ng isang bansa kung kaya’t inaasahan na siya’y dapat lamang na magtaglay ng pormal na paguugali at mga pagwika. Dapat siya’y mayroong paggalang sa kapwa at higit sa lahat, sa mga babae na siyang naging paksa ng kanyang mga biro. Hindi lingid sa kaalaman ng mga mamamayan ng Pilipinas na ang ating bansa ay nagpapanatili ng isang konserbatibong kultura kung saan ang mga babae ay iginagalang sapagkat binubuo nila ang malaking bahagi ng workforce ng ating bansa at sila rin ang siyang ilaw ng pamilyang Pilipino.
Maaaring isipin ng mga mamamayan ng ibang bansa na ang mga birong tulad nito ay katanggap-tanggap. Ito nga ay birong lamang, ngunit hindi dapat nating hayaan na maging isang magpaghintulot ng mga birong sekswal.
Sa mga tagasuporta naman ng pangulo, hindi naman isinasawalang bahala ng mga mamamayan ang mga planong dapat ipagpunyagi, ngunit sa anumang pagkakataon, tayo man ay naka-upo sa mataas na posisyon ng bayan— paaralan at ibang sektor at grupo, likas sa atin bilang mga tao ang paglagay ng guhit ng limitasyon.
Responsibilidad natin ang bawat aksyon na ating gagawin at mga salitang ating bibigkasin. Minsan, kailangan nating suriin ang bawat ideya na gustong idaan sa katatawanan— dahil may mga biro talagang hindi biro.


VOL XXXVI ISSUE NO 14-17

SEPTEMBER 3-28, 2018