Ako rin ba’y patay na?

Unti-unti tayong pinapatay ng mismong bagay na dapat magbibigay buhay sa atin. Ang pagkain…
“Gamitan man jud na. Siyempre kung ikaw nagtinda dili jud ka mutug’an nga gigamitan nimu, alangan wa na nuoy mupalit sa imong mga isda ug mutug’an ka. Nakatry biya mig baligya sauna, gulay man gali butangan aron dugay malayos,” biglang tugon ng isa sa mga tauhan ng barbershop habang binabanlawan ang shampoo na nasa ‘king buhok pagkatapos mapakinggan ang balita sa telebisyon na nilalagyan ng pormalin ang mga galunggong na binibenta sa ilang pampublikong merkado.
Bakit kailangan pang humantong sa paglalagay ng pormalin sa isda na ibebenta sa mga pampublikong merkado bilang isang paraan sa pagpapanatili nitong maging sariwa? Oo, patay na nga ang isdang binibenta, at ang pormalin ay isang kemikal na karaniwang ginagamit para sa mga patay upang mapatagal ang pag-agnas nito; ngunit kinakain natin ang mga isdang ito.
Wala namang problema sa pagtitinda ng isda, sa katunayan isa itong disente at marangal na trabaho. Marahil ginagawa ito ng ibang mga magtitinda upang mas mapatagal ang pagiging sariwa ng kanilang mga isdang binibenta. Siguro kapag ikaw din ang nasa kanilang sitwasyon tiyak gagawin mo rin ang parehong bagay para lang hindi malugi sa ‘yong binibenta. Syempre sa panahon ngayon, pera ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Syempre kung ikaw ang nag titinda, itatangi mo talagang may pormalin ang isda mo. May magnanakaw bang aamin na siya ay salarin?
Ipagpalagay natin na hindi ito ginamitan ng pormalin, mataas ang tyansang masasayang lang ang mga isdang hindi nabenta na siyang dahilan kung bakit malulugi ang mga magtitinda. Ngunit sapat ba ang kadahilanang iyan kapalit ang buhay mo? Ang buhay ko? Ang buhay ng mga mamamayang Pilipino? Kung ikaw ang nagtitinda, mas pipiliin mo bang magkasakit ang mga mamamayan dahil sa paglagay ng kemikal na pormalin sa binibentang isda para lang magkaroon ng magandang kita araw-araw? O di bale na lang na kakaunti ang kita sa pang araw-araw na pagtitinda hindi lang mailagay sa panganib ang mga buhay ng mamamayan?
Kapag sasapit ang off-season sa pangingisda, nag-iimport tayo ng isda mula sa mga karatig bansa tulad ng Taiwan, China, at Vietnam. Bilang isang mamamayang Pilipino, talagang nakakaalarmang pakinggan sa telibisyon ang balitang formalin-tainted ang mga isdang imported galing sa ibang bansa na siyang binibenta na sa ilang pampublikong merkado sa ating bansa. Ngunit may magagawa pa ba tayo upang mahinto ang paglalagay ng pormalin sa mga isda?
Wala man tayong magagawa, dapat ay miging mapagmatyag at maingat tayo sa mga isdang bibilhin upang makaiwas sa pagbili ng formalin-laced na isda.
Bilang mga mamamayan, dapat nating isaisip ang mga sumusunod na palatandaan upang maiwasan ang pagbili ng mga isdang may pormalin; una kapag medyo matigas ang kaliskis nito at pangalawa ay kapag walang masyadong langaw ang umaaligid nito.
Hindi pa nga tayo mga patay ngunit parang pinapatay na tayo ng ating mga kinakain; kung gayunman, aba’y mas pipiliin ko nalang na maging vegetarian.


By Julius Joe T. Umbina

TOMO XXXVI ISYU BLG. 13

AGOSTO 27-31, 2018