Patuloy na pag-usad

Noong nakaraang Enero, naging usap-usapan sa bansa ang bagong ipinasang House Bill 1022 o “National Writing System Act” na iminungkahi ni Rep. Leopoldo Bataoil. Ito ay naglalayong gawing sistemang panulat sa bansa ang Baybayin. Ayon kay Bataoil, sa paraang ito ay mas maipapakita ang halaga ng ating kultur. Inaprobahan naman ng House Committee on Basic Education and Culture ang bagong panukala at sinuportahan ng Department of Education (DepEd), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at ng “Baybayin, Buhayin” advocacy group.
Kung magiging ganap na batas ito, ang mga pabrika ay kinakailangang sumunod sa bagong sistemang panulat. Ang mga label sa mga produkto ay isasalin sa Baybayin. Gayundi sa lokal na pamahalaan kung saan ang mga pangalang kalye, kagamitan at gusaling pampubliko kagaya ng sa mga ospital. Maaaring nasa Baybayin na din ang mga magasing ipapalabas, at ganuon din sa pagsusulat ng mismong pangalan.
Ayon kay Bataoil, upang makamtan ang layunin ng House Bill 1022, dapat lang na ipakilala sa masa ang Baybayin bilang pambansang sistemang panulat at ituro sa pamamagitan ng mga pagsasanay.
Sa kabilang dako naman ay magkakaroon ng matinding problema pagkatuto at komunikasyon. Lalong mahihirapan ang mga estudyante sa paaralan kung isasalin na rin ang mga letrang alpabeto sa Baybayin— dagdag pasanin lamang ito sa mga gurong nagsisipag magturo at posibleng malito ang mga taong hindi kayang magsanay patungkol sa Baybayin.
Dapat lamang na maging dalubhasa ang mga guro at mga manggagawa sa Baybayin kung ito man ay magiging batas upang sila rin ang maging daan sa pagpapayaman ng kaalaman para sa ibang tao.
Totoo at makabayan ang punto ni Rep. Bataoil tungkol sa Baybayin, ngunit dapat isaalang-alang ang mga bagay na maaapektuhan nito. Unang-una, bukod sa mga nabanggit, malaking halaga ang kinakailangan para sa mga pagsasanay at mga maaaring printed materials. Pangalawa, kinakailangan ba talagang palitan ng Baybayin ang bagong alpabeto? Wala namang nakikitang problema ang sistemang panulat ngayon sa bansa. Pangatlo, mabuti lang naman na magbigay pugay at pagpapahalaga sa ating kultura’t kasaysayan, pero hindi ba dapat tayong pasulong at hindi pabalik?
Ang Baybayin ay naging parte na sa ating mga Pilipino bilang pamana kaya nararapat lang na ituro ito sa paaralan nang sa gayon ay mapanatili ito, ngunit hindi sa puntong gagawin itong pambansang sistemang panulat ng Pilipinas.


TOMO XXXVI ISYU BLG. 11

AGOSTO 13-17, 2018