May pagbabago pala

Paulit-ulit. Walang hangganan. Walang katapusan. Ito ang kasalukuyang estado ng sistema ng ating pinakamamahal na unibersidad— ang Negros Oriental State University (NORSU).

Paulit-ulit na lamang ang pagbibigay ng mga abiso at iskedyul na sa bandang huli ay hindi rin naman susundin. Paulit-ulit na lamang ang pagbibitaw ng mga pangakong hindi naman lahat natutupad. Paulit-ulit na lamang ang pagpapaasa sa mga Norsunian, na ang iba ay nasa kanilang huling taon na, ngunit hindi pa rin nararanasang makibaka sa mga kaganapan sapagkat kulang ang inisyatiba (at pondo) upang sila’y ma-engganyo.

Walang hangganan ang mga pila sa pagbabayad o pagpapa-advise kapag linggo ng enrollment dahil lamang sa ibang mga estudyanteng sisingit sa linya. Walang hangganan ang kawalan ng kaalaman dahil lamang sa mas mahabang kuwento ng ibang mga guro tungkol sa kanilang mga buhay kaysa sa mismong pagtuturo ng mga aralin. Walang hangganan ang pagbubuntot ng ibang mga estudyante sa kanilang mga guro tuwing may INC o iba pang katanungan sa kanilang estado sa klase dahil ni anino ay hindi mo matagpuan sa loob ng unibersidad.

Walang katapusan ang mga proyektong ipinapagawa kahit ang iba pa rito ay hindi na naaayon sa syllabus. Walang katapusan ang mga gabing pinaghahandaan ng ibang mga estudyante ang iilang mga presentasyon at proyekto, ngunit sa bandang huli ay di rin pala itutuloy ng guro o kaya naman ay liliban pala sa klase ang guro. Walang katapusan ang pagsasabi sa mga estudyante na dapat ay labinlimang minuto pagkatapos ng oras ng klase ay dapat naroroon na lahat, ngunit ang guro naman ay umaabot ng tatlumpong minuto bago makarating.

Ang lahat nang mga nabanggit ay hindi na lingid sa kaalaman ng nakararaming Norsunian. Ngunit sa pagdating ng linggo ng akreditsayon, nagkakaroon ng pagbabago. Bigla na lamang nagiging mabusisi ang mga guro sa kanilang mga estudyante at kung mabuti ba ang performance nila sa klase. Bigla na lamang nagsidatingan ang iba’t ibang mga dekorasyon upang mas maging malinamnam sa mga mata ang unibersidad. Sa pagdating ng akreditasyon ay bigla na lang kinailangan ang mga litrato at artikulo ng lingguhang publikasyon ng unibersidad. Kung dati ay iniismiran lamang ang mga manunulat at mga litratista kapag ginagawa ang kanilang mga alituntunin, pagdating ng akreditasyon ay bigla na lamang naging espesyal ang kanilang presensya.

Ito nga ba ang nais nating makagisnan at makasanayan ng mga susunod pang mag-aaral sa unibersidad? Kung hindi magbabago ang sistema, lilitaw lamang ang mga himala at pagbabago sa tuwing mayroong malalaking kaganapan sa ating paaralan.


The NORSUnian TOMO XXXVI ISYU BLG. 10

AGOSTO 6-10, 2018